8:52 pm
“Hi. Ninang Justee.” Sabay mano. Na sasagutin ko naman ng “Nye! Hindi kita inaanak noh?!” E kasi, di ko naman talaga sya inaanak. Yung kapatid niyang babae ang inaanak ko.
Yan siNognog. Oo, maitim kasi sya kaya yun ang tawag namin sa kanya. Sa batang edad nya na 9 taon, kita na ang kanyang pag ka bading.
“Ay bading!” Yun ang lagi kong biro sa kanya. Na sasagutin naman niya ng oo.
Kapitbahaynamin sila noon sa dati naming tinitirhan. Halos sa amin na sya lumaki dahil wala ng bata sa pamilya namin noon. Siya at ang kapatid niyang si Wititay ay para ng myembro ng pamilya namin. Maaga pa lang ay andun na silang mgkapatid sa bahay. Madalas ay duon na rin kumakain.
Pero mula ng lumipat kami sa Jhocson (1997) madalang na namin silang napagkikikita. Lalo na noong maghiwalay na ang mga magulang nya.
Sabi nila, napabayaan daw si Nognog. Pinagpasa-pasahan silang magkakapatid. Minsan sa nanay, minsan sa tatay. Minsan ng-aaral, kadalasan hindi. Walang nakakaalam kung nakakakain pa sila sa tamang oras. Naaalala ko pa noong baby pa si Nognog, ang taba taba niya. Nakakagiliw na bata. Pero noong huli ko syang nakita, sobrang payat na.
My sakit sapuso si Nognog. Isa siyang Blue Baby - Meron syang Congenital Heart Disease namedically known as Tetralogy of Fallot. Hindi ko na ieexplain, definitely online kayo so, search nyo na lang sa Google or kung magkauri naman ang dugong dumadaloy sa atin, basahin nyo na lang yung TOF sa Guyton or sa Robbins. (Yaman! May Robbins!)
Sabi nila napabayaan nga daw si Nognog. Di nabigyan pansin ang sakit sa puso. Binalewala. Bigla na lang hinihimatay. Namumutla. At noong kailan lang, nakarating sa amin na hindi na nga raw nakakakilos si Nognog. Ngayon, wala na si Nognog. Kasi daw, napabayaan.
Napabayaan.
Pero paano nga ba natin masasabi na napabayaan ng isang ina ang anak nya?
Kapag ba ngtatrabaho ang mga magulang at yaya ang madalas na kasama ng anak, napapabayaan na ito? Paano kung mg desisyon ang mg asawa na hanggang dun na lang ang pagsasama nila. Ibig sabihin ba nito pinabayaan na nila ang anak nila? Kapag ba wala kang maipangtustos sa mga pangangailangan ng anak mo dahil sa salat na buhay, pagpapabaya ba itong maituturing?
Ano nga ba ang sukatan ng tamang pag-aaruga sa anak? Nasa ikli ba o haba ng buhay ng mga ito? Paano kung talagang hanggang duon na lang ang pinahiram na oras ni Papa Jesus sa kanya?
Paano kung gustuhin mo mang aalagaan sya ay wala ka lang talagang magawa? Gustuhin mo man siyang ipagamot ay wala ka namang sapat na pera? Na kung pwede lang syang gumaling sa mga yakap at halik mo ay pinupog mo na sya ng mga matatamis na halik at mahihigpit na yakap.
Ina rin ako. Ang anak ko, tulad ni Nognog at ng marami pang bata sa mundo ay may sakit din sa puso. Na tulad ng marami, hindi rin alam kung saang kamay ng Diyos huhugot ng pera pampagamot sa mga anak nila. Ang daming ina ang gabi-gabing umiiyak. Hindi alam kung paano ang kinabukasan ng mga anak nila. May pang gatas pa ba?
Ang daming Nognog sa mundo ang nangangailangan ng medical attention. Pero hindi na nagagawan ng paraan at maaga na lang silang nawawala sa mundo ng walang kalaban-laban o walang kamuang-muang.
No comments:
Post a Comment